Kasabay ng pagdiriwang ng World Rabies Day 2024, idinaos ng Imus City Veterinary Services Office ang isang Veterinary Medical Mission, kung saan libre ang bakuna kontra rabies, deworming, microchipping, at pagbabasbas sa mga alagang aso at pusa, noong Oktubre 4, 2024, sa Brgy. Buhay na Tubig. Bumisita rin dito si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at kinumusta ang mga alagang hayop. Sa tala, 519 na aso at pusa ang nabigyan ng libreng bakuna kontra rabies, deworming, at microchipping. Pinangunahan naman ni Fr. Tony Laureta ang pagbabasbas sa mga naturang alagang hayop. Taunang ginugunita ang World Rabies Day na layuning maitaas pa ang kamalayan ng mga nag-aalaga ng mga hayop sa kahalagahan ng bakuna kontra rabies bilang mga responsableng tagapag-alaga. Ang tema nito ngayong taon ay “Breaking Rabies Boundaries.” Ipinagdiwang din sa parehong araw ang World Animal Day.