Nagpasiklaban ng talento sa pagsasayaw at pagsuot ng makukulay na kasuotan ang 400 lolo at lola sa pagdiriwang ng 2024 Elderly Filipino Week mula Oktubre 1–7, 2024, sa pangunguna ng City of Imus – Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA). Kinilala rin ang cluster coordinators at Senior Citizens Associations presidents na nagpamalas ng kahusayan sa paglilingkod. Personal ding nakisaya sina Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Igi Revilla Ocampo, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. Samantala, naghandog naman ang tanggapan, katuwang ang Gender and Development Unit, ng essential kits para sa mga senior citizen na edad 74 hanggang 99 na taon at naghatid ng libreng gupit at mga palaro noong Setyembre 30 – Oktubre 3, 2024, sa iba’t ibang barangay sa Imus. Tinatayang nasa 2,025 lolo at lola ang nakatanggap ng essential kits na naglalaman ng alcohol, paper towel, wipes, gatas, chocolate mix, at biskwit. Ginugunita ang Elderly Filipino Week o ang Linggo ng Katandaang Filipino tuwing Oktubre 1–7, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 470, taong 1994.